Entry 120

Sinehan

Naaalaala ko noong kabataan ko, dekaka ’90, mayroong tatlong sinehan sa aming bayan. Halos magkakalapit lang sila, nasa magkakatabing bloke sa poblasyon malapit sa palengke. Hindi pa masyadong uso noon ang video rental at VHS.

Kung tama ang pagkakatanda ko, Star Vision at Maresca 1 and 2 ang pangalan ng mga sinehan. Sa Star Vision at Maresca 2 pa lang ako nakakapanood. Kilalá kasi ang Maresca 1 sa pagpapalabas ng “alam mo na”.

Dati, wala pang billboard at tarpaulin, kaya para makapagpatalastas ang mga sinehan, nagpapapinta sila sa mga artesano ng malalaking kopya ng nakalarawan sa poster. Nakapinta ang mga mga nakapose na artista o ang kanilang mukha sa kambas na nakakalat sa ilang panulukan ng bayan. Yaong iba, yung pamagat na lang ng pelikula ang nakalagay. Baká nagtitipid ang sinehan.

Pinagtatawanan ko pa nga ang nakapinta kung hindi kamukha ng artista o nakakatawa ang pagkakayari. Pero mahirap din siguro gawin iyon. Halos miyural na ang lawak at laki ng iba. Inisip kayâ ng mga tagapinta na maging alagad ng sining? Na hindi komersiyal na pagpipinta na lámang ang gawin?

Laging huli nang ilang linggo ang pinapalabas sa sinehan sa amin kompara sa Maynila. Marahil hinihintay pang makarating ang rolyo ng pelikula pagkatapos pagsawaang panoorin sa malalaking lungsod.

Tanda ko noong pinanood ko ang Titanic noong 1997. Lampas tatlong oras. Pumasok ako sa sinehan na nagtatago na sina Jack at Rose at nagniniig. Inabutan ko na ang di-masayang bahagi ng pelikula, kung kailan palubog na ang barko. Hindi ko naman iyon ipinag-alala dahil maaari ko namang ulitin sa umpisa. Hindi pa kasi noon pinalalabas pag natapos ang pelikula. Maghihintay lang ako nang ilang sandali habang pinapaikot ang disco ball sa mataas na kisame.

Kapag kasama ko ang nanay ko noon, sa balkonahe kami lagi nanonood. Mas mahal yata doon. Pero naranasan ko rin naman sa orkestra, di ko lang matandaan kung gaano kadalas.

Para sa akin, nakapagdudulot ng ilusyon ang sinehan. Minsan ko itong napagtanto nang pumunta ako sa CR na may bintana. “Maliwanag pa pala sa labas,” ang sabi ko sa sarili. Sa dilim kasi sa sinehan, nawawala ka sa takbo ng oras. Para bang may sariling mundo at galaw ng panahon sa loob.

Ngunit lumipas na rin ang panahon ng mga stand-alone na sinehan. Hindi na sila mararangyang lugar na pinagtitipunan ng mga táong naroroon upang sama-sámang manood ng palabas. (Maging ito ay hindi ko na inabutan.)

Naging ukayán na at department store (yata) ang mga binanggit kong sinehan.

Advertisements

Entry 119

Hanggang Dito

Sa tingin ko hanggang dito na lang
Tayong magsasáma
Sa haba ng nilakbay natin
Alam kong hahantong din
Tayo dito kalaunan
Matatapos din ang mga usapan
Halakhak at sigawan
Hanggang dito sa puntong ito
Ang lahat ay magiging
Alaala na lámang
Mga abstraktong imahen at pakiramdam

Alam kong hanggang dito na lang
Na tutuloy ka sa kanan
At ako sa kaliwa
Habang lumaláon ay
Nagsasanga pa ang mga daan
Papalayo nang papalayo
Sa ating pinagsamahang landas
Hindi na mangyayaring muli
Ang usapan, halakhak, at sigawan

Tanggap kong hanggang doon na lang
At lilingunin ko
Ang ating pinanggalingan
Subalit hindi ko na matatanaw
Hindi dahil malayo o natatakpanan
Kundi pinapalabò
Ng salamin kong namantsahan
Ng natuyo kong luha

Sakaling magkrus muli ang ating landas …
Hindi ko alam

 

2018.07.16
Makati

Entry 118

Ilang Pagmumunì sa Lysistrata ng Bakwit

Ang Lysistrata ay dulang isinulat ng Griegong si Aristophanes higit dalawang milenyo na ang nakararaan. Tungkol ito sa pagkakaisa ng kababaihan ng Atenas at Esparta sa pangunguna ni Lysistrata na pigilan ang mga sarili na makipagniig sa kanilang mga asawa hanggang hindi nagkakaroon ng sunduang pangkapayapaan upang wakasan ang Digmaang Peloponeso.

Ang ganitong banghay ang ginawan ng adaptasyon ng Tanghalang Ateneo sa Lysistrata ng Bakwit, na ginawang backstory and nakaraang digmaan sa Marawi. Sa halip na acropolis, ang bakwit (evacuation center) ang naging tagpo ng dula. Sa halip na Atenas at Esparta, ang mga armadong angkan ng Lagutin at Taguilid ang naglalabang puwersa. Malakas ang impluwensiya ng mga angkan sa bahaging ito ng Mindanao.

Nag-alyansa sina Lotlot, kapitana ng mga Taguilid, at Lysistrata, kapitana ng mga Lagutin, upang matigil na ang digmaan sa pagitan ng kanilang mga angkan.

Itinanyag ng dula ang usaping pangkasarian. Ipinapakita rito ang punto de bista ng kababaihan upang tuluyang wakasan ang digmaan. Kung sa paningin ng kalalakihan ay makakamtan ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagkagapi ng kabilang grupo, iba ang paraan ng kababaihan. Hindi nila alintana ang pagkakaiba ng kanilang mga angkan, at piniling magkaisang mag-usap at magkaunawaan. Ang kanilang solusyon, bagaman hindi kumbensiyonal, ay isang bagay na nasa lébel ng paghahangad panlamán – ang hindi pakikipagsiping sa kanilang asawa hanggang walang kasunduang pangkapayapaan (hindi tigil-putukan lámang).

Nababahala ang mga sundalo dahil hindi na pumapayag ang kanilang asawa na makipagsiping.

Maaaring malayò ito sa katotohanan ngunit ipinapabatid nito na may ibang solusyon bukod sa armadong tunggalian. May salik ang personal na paghahangad (gaya ng pagtatalik, relasyon, at iba pa) sa desisyon ng tao. Anupaman ang malaking hangarin (kapayapaan,  pag-ibig sa bansa, &c), hindi maiaalis ang personal na kalagayan ng isang tao upang patuloy na suportahan o tuluyang iwanan isang hangarin. May ilang kababaihan sa dula na nais nang bumalik sa kanilang asawa dahil hindi na rin nila mapigil ang sariling pagnanasà. Ang pag-una sa “sarili” kaysa hangarin ng kolektibong sumpaan ay dili iba’t dulot ng pansarili o makasariling dahilan. Malaking salik ang personal na saloobin ng mga indibidwal upang magtagumpay o magapî ang isang pinaglalaban.

Nanumpa ang kababaihan mula sa dalawang angkan.

Ipinakita ito sa isang tagpo kung saan hindi na makapagpigil ang dalawang tauhan (Mayet at Carding), ngunit nanaig pa rin sa babae na sundin ang sumpaan nilang kababaihan na ipagkait ang “kaligayahan” sa lalaki. Sa ganito nanindigan si Mayet.

Sandaling nagniig ang mag-asawang Mayet at Carding ngunit nakapagpigil ang babae.

Naging matalino rin si Lysistrata upang huwag magpadala sa tusong alok ng Vice Mayor na ipagkanulo si Lotlot, ang kapitana ng angkan ng Taguilid, kapalit ng mga pabor. Sa ganito nanindigan si Lysistrata.

Continue reading

Entry 117

The Other

I am the other
who thought to be one with you;
but only on the superficial,
a companion to fill your voids.

I am a satellite
that orbits around you;
yet your gravity is not enough
to pull me into your core.

I am without a name
or a label;
a crude vessel
used at your convenience.

I am not one of you
not one with you
not one in you
not one like you
not one for you.

2018.03.16

Entry 116

Kimî

Kung saan man makarating ang boses kong kimî,
Sana’y lumayag sa iyong pandinig
At makuha ang iyong pansin.

Magkagayo’y pipintig ang aking loob
At kakainin ang mga salitang hindi na yata mabibigkas.

Hayaang ang katahimikan na lámang ang magsaysay
Kung paanong hanggang ngayon
Ay kaulayaw ko ang pag-iisa:
Na hindi ka lalapit upang dampiin
Ang aking balikat
At ibuhos ang bigat ng iyong kamay.

Hindi mo káyang maramdaman
Ang ipinapahiwatig kong kasiyahan
Dahil walang káyang umunawa
Sa kalagayan kong pangungulila:
Na wala akong makakasáma
Sa pait ng aking mga tagumpay.

Mababása mo ba ang winiwika ng aking loob?
Hindi. Hindi mo kayang sundan ako
Sa sanga-sangang eskinita ng aking daigdig!

Naririnig mo ba ang boses kong kimî?
O ang katahimikan sa aking mata?

Tama ako. Hindi mo mauunawaan kailanman.

2014.11

***

Naisulat ko noon pang 2014 sa dalawang páhiná ng mumunti kong talaarawan. Hindi ko na matandaan ang kuwento sa likod ng mga salitang ito, kung bakit ko naisulat ang mga yaon. Kung anuman ang pinagdaanan ko noon, tila pareho pa rin naman sa ngayon. Walang nagbago sa aking kalungkutan, mangyari pa’y lalo sigurong tumindi ito.

Entry 115

Gaya ng Buklaklak na Namumukadkad

Bumukas ka gaya ng bulaklak
na namumukadkad
Tingalain ang
bughaw na langit
Na anupa’t matatabingan
ng kulay gris at nagbabadyang
mga ulap
At matigmak
ng mahahapding patak
ng ulan—kay lamig
sa pakiramdam
Na siyang gugupo sa iyo
hanggang sa yumukod ka
sa lupa
Walang lakas at nadudumhan

Bumukas ka gaya ng bulaklak
At matuyo pagdaka

2017.10.09

This is the Filipino translation of the poem “Like a Flower in Bloom”.

Entry 114

Like a Flower in Bloom

Open up like a flower
in bloom
Look up to the
azure sky
That will soon be covered
by grey, foreboding
clouds
And be drenched
with painful drops
of rain—cold
as they are
Knocking you until
you bow
to the ground
Helpless and sullied

Open up like a flower
And shrivel soon after

 

2017.10.09