Saan Kumakatawan ang Esprit de Corps?

Natatangi ang Esprit de Corps na pelikula na ipinalabas ngayong taon bilang kalahok sa Cinema One Originals Film Festival 2014.

Ang bumubuo sa Esprit de Corps (mula kanan): Lharby Policarpio, Sandino Martin, director Kanakan-Balintagos, J.C. Santos, at Garry Lim.

Ang bumubuo sa Esprit de Corps (mula kanan): Lharby Policarpio, Sandino Martin, director Kanakan-Balintagos, J.C. Santos, at Garry Lim.

Batay ito sa isang yugtong dula na naisulat mahigit dalawang dekada na ang nakalipas. Orihinal na isinulat ni Auraeus Solito ang dula sa edad na 17 taon. Ngayon, isinapelikula naman ni Kanakan-Balintagos, na siya ring si Auraeus, samakatuwid isang bagong pagkatao.

Maaari kong sabihin na extension ang pelikula ng dula sa ilang punto: may idinagdag na tauhan at may inilahok na paliwanag o mas malinaw na konteksto tungkol sa kuwento. Noong una inaalala ko kung paano mapapahaba bilang isang feature film ang isang yugtong dula. “Pinahaba” ito upang mapalawak pa ang mga tunggalian sa naratibo at sagutin ang ilang tanong na maaaring nasasaisip ng sinomang nakabasa ng dula (o nakapanood nito).

Isa itong kapuri-puring obra ni Kanakan-Balintagos. Kinunan sa isang long shot (at totoong mahaba) ang buong eksena sa loob ng interrogation room saka sinisingitan ng mga flashback upang magbigay ng linaw o ng konteksto. Kapansin-pansin ang impluwensiya ng teatro sa lahat ng tagpo sa interrogation room. Minabuti ng direktor na panatilihin ang orihinal na anyo nito, ang pagiging dula, na siyang naging isang kalakasan ng pelikula.

Magagawa lamang ito kung lubhang mahusay ang mga aktor. Kapuri-puri ang mga aktor na gumanap kina Mac (J.C. Santos) at Abel (Sandino Martin), kapwa taga-teatro at galing Dulaang UP. Tanging taga-teatro lamang ang may kakayahan at sapat na kaalaman upang umarte nang tuluyan habang hindi nawawala sa karakterisasyon—bagay na hindi basta magawa ng karamihang artista ngayon, na umaasa lamang sa katanyagan at kagandahan ng mukha at hindi sa talento at katalinuhan sa pagganap. Ang aktor naman ni Cain (Lharby Policarpio) ay maiging nakasabay sa husay ng unang dalawa. Hindi siya nagkulang sa pagbibigay-buhay kay Cain bagaman ito ay ang una niyang pelikula.

Larawan ng inilabas na galing ng mga aktor ang siyang husay naman ng direktor at manunulat nito na si Kanatakan-Balintagos. Ayon sa kanya, ito ay ang ika-8 niyang feature film. Una siyang nakilala sa mga pelikulang Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros (2005), Tuli (2005), at Pisay (2007) bilang si Auraeus Solito. (Siya ay ang nag-direct ng music video ng Eraserheads na “Huling El Bimbo”.)

Ngayon bilang Kanakan-Balintagos, marahil ipinapakita niya ang isang pagbalikwas sa dating siya, na unti-unti niyang tinutuklas ang sari-saring katotohanan at hinahanap ang paghilom ng mga sákit ng nakaraan. Nangangahulugan ang pangalang ito ng “mangangaso (o naghahanap) ng katotohanan”, isang totoong makabuluhang pangalan. (Mauunawaan ito kung ihahambing ang Auraeus bilang manunulat ng dula at ang Kanakan bilang direktor at manunulat ng bersyong pelikula ngayon. Sapantaha ko na may matapang na pagharap sa nakaraan at may maturity.)

Ang kuwento ay nangyari sa panahong Marcos, sa isang yunit ng ROTC sa isang panlalaking paaralang Katoliko (hayskul ayon sa dula). Sa isang interrogation room pinatawag ni Major Mac Favila ang mga kandidato para sa kanyang posisyon na S3 (operations and training officer).

mula sa Facebook page ng Esprit de Corps

mula sa Facebook page ng Esprit de Corps

Sa pelikula, dalawang kadete ang kinausap niya sa magkahiwalay na pagkakataon (sa dula, isa lamang). Ito ay sina Cadets Private Fourth-class Abel Sarmiento at Cain Fujioka (pansinin ang paglalaro sa kanilang mga pangalan na hango sa isang kuwento sa Bibliya). Hindi ko babanggitin dito ang mga nangyari sa kuwento. Pananagutan ng isang manonood na panoorin ito. Layon ko ay himayin ang ilang sapantaha ko sa tema ng ilang pangyayari sa pelikula.

Nangangahulugan ang esprit de corps bilang espiritu o diwa ng katawan. Ang katawan dito ay pumapatungkol sa isang pangkat ng mga tao na may isang layunin. Sa dula at pelikula, ito ay kumakatawan sa isang pangkat militar.

Sa pelikula, lantad ang lihim na katiwalian (oo, isang kabalintunaan sa pahayag) sa hanay ng pamimili ng opisyal. Sa interrogation room kung saan inaalam ng S3 ang kakayahan ng kadete, nagpakita ng motibo si Mac ng panlamang pagkagusto kay Abel. Sa kabila ng matigas nitong pagkatao at itsura, nakakubli naman ang pagnanasa sa kapwa.

Mapapansin ito sa kakaibang pagyakap at paghaplos o pagpunas sa pawis ni Abel. Makailang beses na ipinakita ni Mac ang kanyang galing sa pag-push up, sit up at bunong-braso—larawan ng pagiging superyor kaysa Abel na hindi kayang sumabay sa tibay ng katawan. Subalit panandaliang ipinakita ni Mac ang “lambot”, ang kahinaan ng kanyang pagkatao nang makitang umiiyak at nahihirapan na si Abel sa mga physical exercise. Tunay bang may pagtingin siya kay Abel? Anupaman, tumanggi si Abel sa pagnanasa ni Mac.

Isa pang patunay ng kahinaan ni Mac ang ginawa niyang mainit na paghalik kay Abel matapos ipa-recite sa kadete ang sipi ng tinuran ni Cyrano (mula sa dulang Pranses na Cyrano de Bergerac ni Edmond Rostand) tungkol sa halik (“A kiss, when all is said, what is a kiss? …). Ngunit hindi pinag-isipan ni Abel ng ibang intensyon si Mac tungkol dito bagkus pinuri pa na magaling siyang humalik.

tagpo sa interrogation room (mula sa Facebook page ng Esprit de Corps)

tagpo sa interrogation room (mula sa Facebook page ng Esprit de Corps)

Bilang paghahambing, iba naman ang naging pagtanggap ni Cain sa pagpaparamdam ni Mac. Gagawin ni Cain lahat makuha lamang ang posisiyong S3, hudyat upang papiliin siya ng “strip or quit”. Dito naging tunay na magkaiba sina Abel at Cain—si Abel na pinanatili ang respeto sa sarili at si Cain na nasilaw sa kapangyarihan ng posisyong hinahangad.

Ano naman ang halaga dito ng konseptong esprit de corps? Ito ay ang “moral and physical state of the unit”, ayon sa unang sagot ni Abel nang tanungin kung ano ito.

Ito ang nagbibigkis sa isang yunit o samahan. Sa pakiwari ko, ginagamit itong instrumento ng pagpapanatili ng katiwalian. Maghihinuha sa isang eksena na si Mac ay dumaan din sa parehong mapanikil na interogasyon. Sa isa pa ring eksena, sinabihan ng komandante si Mac na ipakita sa kanya kung ano ang halik: pareho ng tinanong ni Mac kay Abel at Cain. Nagpapakita ito ng pagpapasa lamang ng nakagawian nang mangyari sa interrogation room. Sa ganito ba napananatili ang esprit de corps? Sa palagay ko’y ganoon nga.

Sa isang tagpo, isiniwalat na dati ring namoslestya si Abel ng isang pari sa isang sinehan. Sinabi niyang walang ginawa ang ibang nakakita na kung panoorin sila ay gaya ng sa isang pelikula. Sa ganito rin ba napananatili ang esprit de corps (gamit ang ibang kahulugan ng corps)? Sa palagay ko’y ganoon nga.

Sa hindi pagkilos o paglaban sa isang kabuktutan, napananatili ang nakagawian at ang kamalian. Kung laganap ang pagbubulag-bulagan, tumitibay ang status quo. Kailangan bang ipapagpatuloy ang ganitong esprit de corps?

Hindi tumugon si Abel sa ganito. Ipinakita niya ito sa pagtanggi sa pagnanasa ni Mac at sa pagbubunong-braso. Lumaban pa rin si Abel sa pagbubunong-braso kahit alam niyang matatalo siya kay Mac. Ipinapakita nito na si Abel ay ang may tunay na lakas ng loob na lumaban, bagay na hindi nagawa o ginawa ni Mac noon.

Muling tinanong si Abel kung ano ang esprit de corps at sinagot niya: “Sir, I think it is … not only the spirit of the body … the group spirit … but the sense of pride … honor … glory of our common interests … pero, sa tingin ko, ang pinakaimportante ay ang pagrespeto natin sa sarili … at sa isa’t isa …  no matter what hidden emotions we have I think esprit de corps is what binds the whole corps together … it is something we adolescents are searching for … yearning for … ito ang dahilan kung bakit natapos ko … natapos namin … natapos mo … natapos natin … ang training na ito”. (sinipi mula sa dula)

Matapos ang tagpong ito, lumabas ang pangitain tungkol sa isang diwata (na nasa anyong babaylan), sumasayaw ng isang ritwal habang lumalapit kay Abel. Para sa akin, nagpapakita ito ng kadalisayan ng puso at ng kaisipan ni Abel. Tunay na naunawaan niya ang totoong kahulugan ng esprit de corps.

Sa isang tagpo naman sa pool, minuni ni Abel kay Cain na kung hindi kaya kinain ni Adan ang ipinagbabawal kaining bunga sa hardin ng Eden marahil ang lahat ngayon ay hubad at lantad sa lahat, walang alam na halay. Sinabi niya ito bilang paghahangad ng isang kalayaan, ng isang mundong inosente at walang kasalanan—larawan ng isang hubad na katawan na hindi kailangang ikubli o ikahiya sapagkat walang mali rito. Ngunit kalaunan, natuto ang tao na itago ang bagay na mali dahil sa kanyang kasalanan, upang hindi makita ng lahat (hindi pisikal ang tinutukoy ko). (Subalit tandaang hindi nagkasala si Adan dahil sa pagkain lamang ng bunga per se kundi dahil paglabag sa iniutos na huwag pagkain ng bunga.)

Marami pang mga sagisag na maaaring lapatan ng kahulugan, gaya ng rehas sa interrogation room, ang nalulumang poster ng “Bagong Lipunan”, ang dalawang ipinakitang klase ng halik, ang binabalatang mansanas, at iba pa. Magandang pagtuunan din ng pansin ang mga ito. Hitik ang Esprit de Corps sa mga kahulugan na bubuuin kapwa ng mga tauhan at ng manonood. Binibigyan ang manonood ng kapangyarihang bigyang-saysay ang mga isinalaysay sa pelikula. Tanging mapanuring manonood ang makakaunawa sa pelikulang ito, na tumitingin lampas pa sa visuals at rabaw ng dialogues.

Pahabol:
Kapuri-puri rin ang ginawang awit para sa pelikula. Isinulat mismo ni Kanakan-Balintagos ang titik nito at inilapat ni Vincent de Jesus ang musika. Mahusay itong inawit nina JC at Sandino.

Handa Na
Titik ni Kanakan-Balintagos
Musika ni Vincent de Jesus

Handa na ba ang magmahal muli
Sa pait ng nakaraan
Na puno ng masakit na sandali

Handa na ba akong mabuhay muli
Tumuloy na sa aking landas
Na parang pinalaking minadali

Handa na tayo Bok,
Lalaki sa lalaki
Dibdib sa dibdib
Bunong-braso ng buhay
Di galit na pagkalalalaki
Kung di tulog na pangarap
Ng isang makabuluhang panaginip

Handa na ba akong humarap sa yo
Kung ano ka’t kung anoman ako
Nang walang bahid ng balatkayo

Darating ang panahon
Na tayo’y magmamahal
Mabubuhay at haharap
Sa ginintuang araw
Tayo ay maging handa na

 

Pahabol muli:
Nanalo ang pelikula sa Cinema One Originals 2014 awards ng tatlong malalaking parangal:
Best Director, Kanakan-Balintagos
Best Actor, Sandino Martin
Best Production Design, Hai Balbuena

Sanggunian:
“Full List: Winners, Cinema One Originals Film Festival 2014”. Rappler.com. Published on 16 November 2014. <http://www.rappler.com/entertainment/news/75190-full-list-winners-cinema-one-originals-film-festival-2014&gt;

Solito, Auraeus. “Esprit de Corps”. In The Best of Ladlad, edited by J. Neil Garcia & Danton Remoto, 256–272. Mandaluyong: Anvil, 2014.

 

Advertisements

One thought on “Entry 066

I'd love to read your thoughts, too. Please leave a reply. ^^

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s