Entry 097


Ilang Pagmumuni sa Mabining Mandirigma

Pinanood ko ang ikalawang run ng musikal na Mabining Mandirigma ng Tanghalang Pilipino nitong taon. Una ko itong napanood noong 2015. Pagkatapos ng palabas, gaya ng ginagawa ko, pinagmuni-munian ko ito at nakarating sa ilang pagkatanto.

Ang ating politika ngayon ay halos walang pinagkaiba sa kalagayan nito noong nakalipas na dantaon.

Ang himagsikang sinimulan ni Andres Bonifacio ay paglaban ng mamamayan sa mga dayuhan. Ngunit unti-unting pinasok ito ng mga táong may bahid ng ibang interes bukod sa pag-ibig sa bayan.

Nang namahala na si Emilio Aguinaldo, nanulsol at pumaligid sa kanya ang mga ilustrado (mga arál)—silang mga politiko, pensador, abogado, at negosyante. Sila ang bumuo sa mayorya ng mga kinatawan sa Kongreso ng Malolos noong 1899 na sumulat ng unang konstitusyon. Sila ang nagpautang sa rebolusyonaryong pamahalaan upang kalaunan ay kumita nang malaki.

Ilan sa kanila, ayon sa musikal, ay sina Pedro Paterno, Felipe Buencamino, Benito Legarda, Felipe Calderon, at Gregorio Araneta. Sila rin ang nag-iwan sa humihinang rebolusyonaryong pamahalaan upang kumíling sa maginhawang pamamalakad ng mga Americano. Ang mga ilustradong ito ay taksil at salat sa prinsipyo. Si Aguinaldo rin, matapos mahúli sa Isabela, ay dagling sumumpa ng katapatan sa America.

Maaaring sabihing may iba’t ibang paraan ng pag-ibig sa bayan. Maaaring sabihing pinili lámang nila ang mas makabubuti sa bansa noon. O di kaya’y mas makatwirang isiping gumagawa sila para sa sariling kapanginabangan. Ang kasaysayan ngayon ay lumilingon sa kanila bilang mga sukáb.

Hatî ang mamamayan noon pa man: ang tila-mangmang na mga taong-bayan at marurunong na ilustrado. Ang mga ilustrado pa rin ang nagharing uri sa huli samantalang nawalan ng tinig ang taong-bayan. Lagi at laging gagamitin ng mga marurunong ang taong-bayan—tulad pa rin ngayon.

Si Apolinario Mabini ay nagbitiw sa pamahalaan ni Aguinaldo dahil alam niyang hindi na pinakikinggan ang kanyang mga mungkahi. Sa ibang pananalita naikinig si Aguinaldo, marahil upang pagbigyan ang interes ng iba. Si Mabini, bagaman isang ilustrado, ay hindi nakiayon sa kanila. At dahil dito, itinatanyag siya ngayon ng ating kasaysayan.

Gumanap bilang Apolinario Mabini si Liesl Bacutan (ikalawa mula sa kanan) at bilang Emilio Aguinaldo si Arman Ferrer (ikatlo mula sa kanan).

Gumanap bilang Apolinario Mabini si Liesl Bacutan (ikalawa mula sa kanan) at bilang Emilio Aguinaldo si Arman Ferrer (ikatlo mula sa kanan).

Ang kultura ng nepotismo at pagkakampi-kampi ay hayag na noon sa ating mga pinuno. Hanggang ngayon, laganap ito sa pamahalaan—mga kroni ni Ferdinand Marcos, paksiyon sa pamahalaan ni Noynoy Aquino, at iba pa.

Kinampihan ni Agunaldo ang kapwa taga-Kawit na si Pedro Janolino nang kastiguhin ni Antonio Luna, heneral ng hukbo, dahil sa insubordinasyon. Kalaunan, kasamang pumatay si Janolino kay Luna. Pinaniniwalaan ng ilang historyador na may pagsang-ayon ito ni Aguinaldo.

Paanong titindig ang isang nagtatangkang maging nasyon kung ang loob nito ay nilalamat na sa simula pa? Kaya madaling nasupil ng mga Americano ang ating pagsasabansa dahil sa kawalan ng pagkakaisa at kawalan ng malinaw na direksiyon ng mga pinuno.

Sa musikal, tinanong ni Mabini kung mahirap bang mag-isip bilang Pilipino (Filipino). Inawit niya ito matapos paslangin si Luna, isang totoong nakapangingilabot na tagpo.

Sa huli ng musikal, binanggit ang mga ito patungkol kay Mabini:

“Hinikayat niya ang ating mga kababayan na mag-isip at kumilos hindi ayon sa uri, tribu, rehiyon, o relihiyon kundi bilang mga Pilipino.

“Kung natalo man ang himagsikan ng sandata, iyon ay sapagkat hindi nagtagumpay ang rebolusyon ng kalooban.

“Sabi niya noon kahit ilang ulit pa nating ideklara ang ating independensiya, hindi tayo magiging bansa kung ang mga pinuno at mamamayan ay magiging alipin ng kanilang kasakiman.

“Mahirap pantayan ang integridad ni Mabini, kaya iilan laman ang maaaring tukuying bilang inapô niya: ang mga makabayang senador, ang mga tapat at malinis na administrador, ang mga empleado ng gobyerno na laban sa katiwalian.”

Tukóy na natin ang ilang dahilan kung kailan at saan sa kasaysayan tayo nagkamali. Subalit bakit hanggang ngayon ay inuulit natin ang mga pagkakamaling ito? Bakit nakapanunungkulan pa rin ang maraming Paterno at Buencamino samantalang iilan lamang ang mga Mabini? O hindi kaya’y hindi pa rin tayo natututo?

Ang Mabining Mandirigma ay may libretto ni Nicanor Tiongson at musika ni Joed Balsamo. Ang dalawang run ng pagpapalabas nito ay sa direksiyon ni Chris Millado.

 

 

Advertisements

2 thoughts on “Entry 097

  1. Sabi nga, “Ang pinakatinding kaaway ng tao ay ang kaniyang sarili.”

    Mahirap magpakabuti, mahirap manindigan, at hindi madali ang ipaglaban ang prinsipyo.
    Subalit may mga nakagawa nito, kaya posible na magawa rin ng ilan kung hindi man ng marami sa kasalukuyang panahon.

    Noon pa man, mahirap para sa maraming tao ang matuto. Mas madali para sa karamihan ang gawin ang mali at magsisi na lamang. Nakalulungkot, pero iyan ang isang masaklap na katotohanan.

I'd love to read your thoughts, too. Please leave a reply. ^^

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s