Entry 111

Mula sa Buwan

Ang Mula sa Buwan ay kuwento ng katorpehan, ng dalawang lalaking umiibig sa isang dilag, ng wagas na pag-ibig na handang magsakripisyo at magkubli.

tórpe : 1. tunggák 2. dungô

tunggák : mahina ang ulo o nahihirapan o matagal umunawa

dungô : mahiyan dahil kulang ng tiwala sa sariling kakayahan

Hindi ako magbibigay ng pahapyaw sa kuwento dahil mas magandang panoorin ang musikál na ito nang wala kang inaasahang susunod na mangyayari. Ang tanging pahiwatig ay adaptasyon ito ng salin ng Cyrano de Bergerac (1897) ni Edmond Rostand.

Iniakma ni Pat Valera (direktor at mandudula) ang pangyayari sa mga kabataang kadete ng ROTC noong bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nakatulong ito sa pagsasalokal ng eksena – may elemento ng nasyonalismo, pag-ibig sa bayan. Ngunit ang pinakalundo nito ay ang unibersal na salaysay ng marangal na pagmamahal sa iniirog (sapagkat maraming uri ng pag-ibig o pagmamahal).

dsc_0509-copy

Si Cyrano (Boo Gabunada) kasama ang mga kadeteng pinamumunuan niya

Si Cyrano ay lihim na may pagtingin sa kababatang si Roxane, na siya namang may pagtingin naman sa bagong saltang si Christian. Ang mahirap, humingi ng tulong si Roxane kay Cyrano na ipaglapit silang dalawa ni Christian. Masaklap, hindi ba?

dsc_0514-copy

Tinanggap ni Cyrano ang pagkakaibigan ni Christian (Edward Benosa), bagaman sa katotohanan ay siya niyang karibal sa pag-ibig.

Torpe (dungô) si Cyrano sapagkat hindi niya maipagtapat ang pag-ibig kay Roxane dala ng hindi kaaya-ayang itsura. Torpe (tunggák) rin si Christian sapagkat mahina siyang maiparating ang saloobin gamit ang mga tamang salita bagaman napakaganda ng kanyang wangis. Kaya tinutulungan na lamang ni Cyrano si Christian na kumatha ng mga sulat at awit gamit ang makatang pananalita.

Ang pangunahing tanong na umiiral sa buong kuwento ay kung saan totoong umiibig si Roxane: sa mukha o sa diwa. Na kay Christian ang kakisigan at kagandahan; na kay Cyrano naman ang katalinuhan at kahusayan. Brains or brawn, isip o itsura, ikanga.

dsc_0521-copy

Ipinagtapat ni Roxane (KL Dizon) ang kanyang minamahal kay Cyrano.

Sa labinlimang awit sa musikal, tatlo ang totoong umantig ng aking damdamin. Mahusay ang titik at musika ng mga ito. Sa pakiwari ko’y ito rin ang magugustuhan ng nakararaming manonood. Ang musika ay likha ni William Elvin Manzano.

“Tinig sa Dilim”

Hinaharana ni Cyrano si Roxane bilang si Christian. Tanging tinig ang nauulinig ni Roxane sa madilim na bakurang iyon. Sa tinig ba siya umiibig o sa inaakalang katauhan ni Christian?

Maging ang buong daigdig ang ipalit
Hindi kapantay sa ‘king pag-ibig
At kahit anong yaman ang itapat
Walang kasinghalaga ang pusong hinahangad

dsc_0550-copy

Si Cyrano ang nagbibigay-tinig kay Christian upang marating ang puso ni Roxane.

“Matatapos Din”

Upang mabasag ang pagtatalo ng mga kadete na nahaharap sa digmaan, at upang buuing muli ang pagnanasa nilang lumaban at mabuhay, umawit si Christian. Sa gitna ng digmaan, na isang dako ng kawalang pag-ibig at pag-asa, parang mahika na sumisibol ang kakayahang magmahal, ang pag-asang makapiling muli silang mimamahalaga.

Matatapos din at mauunawaan
Kung ano ang saysay nitong labanan
Ang mahalaga hindi nating malimot
Na marunong pa rin tayong magmahal

dsc_0636

Ipinaalala ni Christian na may tutunguhin pa rin sila pagkatapos ng digmaan.

“Ang Sabi Nila”

Umaawit si Roxane sa kabila ng kanyang kabiguan at pangungulila. Nakukulong siya sa alaalang ayaw niyang mabura sa isip, dahilan upang hindi mapansin kung ano ang nasa harap ngayon.

Ang sabi nila
Bawat puso at kaluluwa
Ay may kaparehang itinakda

Ang sabi pa nila
Ay darating kung pagbibigyan
Ang pag-ibig na di mawawala

dsc_0654

Nabubuhay sa nakaraan roxabe sa tuwing binabalikan ang mga sulat sa kanya ni Cyrano (na nagkukubli bilang si Christian).

May kung ilang beses akong pinaiyak ng Mula sa Buwan. Anumang pader ng pagkamanhid ay guguho. Anumang pagpigil ng luha ay aapaw. Anumang tigas ng puso ay lalambot.

Bakit ba ikinubli ni Cyrano ang kanyang saloobin? Dahil sa ang pagmamahal niya ay tunay, dalisay, at wagas. Ngunit hindi ibig sabihin nito na hindi tunay ang pagtingin sa isa’t isa ng dalawang tauhan pa. Dangan lamang, mas pumapailanlang ang damdamin at mas nakahihigit ang pang-unawa ni Cyrano. Hindi ito dahil makata siya at magaling kumatha ng romantikong salita. Sa kabaligtaran siya pa nga ay umid at duwag, marahil dahil ayaw niyang masaktan ang iba o ayaw niya mismong masaktan. Nakahihigit ang pag-ibig ni Cyrano dahil kaya niyang magtiis at magbuwis ng kaligayahan para sa iba.

Bakit nga pala mula sa buwan? Dahil sa buwan ay walang sákit at hapdi. Nakatunghay lámang ito sa sansinukob at sa mga taong naririto, patuloy na nagbibigay ng liwanag at gumagabay sa dilim, dumarating at umaalis. Kahit di mo man pansin, alam mong nariyan siya upang magbigay ng inspirasyon sa tumitingin.

Advertisements

Entry 110

Bagong Taon

Naaalala ko noong bata pa ako, siguro nasa elementarya o hayskul, nagdiriwang ang lahat noong bisperas ng bagong taon. Nakaupo ako sa aming tindahan habang pinagmamasdan ang bakuran, na tanaw ang mga kapitbahay hanggang sa di-kalayuang kalye. Maingay ang paligid dahil nagpapaputok sila ilang oras bago pa magpalit ang taon sa hatinggabi.

Naroroon ako, walang imik na pinagmamasdan ang lahat. Naisip ko na noon na mabubuhay akong malungkot pagtanda. Hindi ko magawang makipagsaya kasama ng iba dahil para sa akin, parehong araw at gabi pa rin naman. Walang magbabago, gayon pa rin ang sikat ng araw at tanglaw ng buwan. Pareho pa rin naman ang pagkilos at paggawa ko o ng kalaro o ng kaklase o ng kapitbahay. Hindi ko maintindihan bakit gayon na lámang ang galak ng iba sa pagpapalit ng taon.

Petsa lang naman ang nag-iiba. Ang lahat ay pareho pa rin, simula noong unang panahon hanggang sa hinaharap. Siguro sa murang edad ko noon ay batid ko na na konsepto lámang ang oras at mga panahon. Ang daloy nito ay tuloy-tuloy at walang patlang, walang tigil. Tayo ang gumagawa ng mga bilang upang paghiwa-hiwalayin ang taon, buwan, linggo, oras, minuto, at segundo.

Para sa kalikasan, ang naturalesa, isang mahabang linya ang lahat, maaaring may simula, maaaring wala. Sa tao, tiyak na may simula at wakas. Gayundin ang sari-saring pakiramdam: ligaya, lungkot, dalamhati, pagkagiliw, pagkainis, galit, poot, maging pagwawalng-bahala. May simula at wakas ang mga ito.

Kaya ngayon, hayaan ninyong maramdaman kong muli ang lungkot tuwing bisperas ng bagong taon. Ito ang isang alaalang nais kong balikan at maramdaman tuwing ganitong panahon. Sa ganito bumabalik ako sa eksena ng isang bata na nakaupo sa sahig sa kanilang tindahan habang pinagmamasdan ang maingay na gabi sa labas.

Totoo ang naisip ko noon.

Masaya ako sa bawat kong kalungkutan.

Entry 109

Diyaryo

Sumasadya ako noon sa bayan upang bumili ng diyaryo pagkatapos ng klase sa hayskul. Siguro 30 minutong biyahe rin iyon sa jeep mula sa paaralan (at hindi mabigat ang trapiko). Lalakarin ko ang kahabaan ng Valencia Street papuntang palengke hanggang sa newspaper stand. Iilan lang naman ang mabibilhan ng diyaryo doon sa pagkakatanda ko.

Natatandaan kong namilì ako ng bibilhing unang diyaryo. Siyempre ayoko ng tabloid kayâ broadsheet ang kinuha ko kahit medyo mahal sa halagang 10 hanggang 12 piso. Hindi ko alam kung bakit, ngunit Inquirer ang nakakuha ng aking pansin. Kompara sa Star at Bulletin na may kulay, nanatiling black and white ang Inquirer. Mayroon lámang itong asul na masthead at grayscale na larawan. Dahil kakaiba siya, iyon na ang aking binili.

Kaya naman ako bumibili ng diyaryo noon ay dahil kailangan daw naming maging maalam sa current events, ayon kay Sir Guanzon, guro namin sa araling panlipunan. At kayâ naman tuwing hápon ako bumibili ay dahil sa hápon lang ang biyahe ng eroplano galing Maynila. Kaya pasong-pasô na ang balita sa telebisyon at radyo, saka pa lang babasahin sa diyaryo. Ganoon talaga noon sa Puerto Princesa. Paano na lang kaya sa ibang bayan sa Palawan? Nakapagbabasa pa kasya sila ng diyaryo nang hindi pa luma ang laman?

Kalaunan, lumipat din ako sa Star dahil sila ang ka-tie up sila ng ABS-CBN noong eleksiyon. Ang Inquirer naman ay sa GMA. At dahil loyal ako sa ABS-CBN, kailangang kong baguhin ang preperensiya ko.

Nakatambak lang sa bodega noon ang mga diyaryo. Sa totoo, hindi ko naman binabasa ito nang husto. Binibili ko lang sila. Siguro para may talaan ako ng kasaysayan. Hindi ko na rin alam ang kinahinantnan nila noong lumipat ako sa Baguio para magkolehiyo. Malamang tinapon silang lahat, parang paglimot ng mga tao ngayon sa kasaysayan ng ating bansa.

Sa ngayon, bumibili lamang ako ng diyaryo kung may isang napakahalagang pangyayari na gusto kong maipreserba sa pamamagitan ng inilimbag na papel. Paminsan binabasa ko, paminsan hindi na rin – may internet na rin kasi at mobile phone. Siyanga pala, bumalik na ako sa Inquirer.

Entry 108

Sculpture 13: Scientia or The  Triumph of Science over Death

In 1890, Jose Rizal sent two statuettes to his friend Ferdinand Blumentritt, an Austrian scholar. These hand-crafted sculptures were made of clay. One of the statuettes was Scientia or The Triumph of Science over Death.

It is figure is of a nude, young woman holding a torch with both stretched hands. At her feet is a large skull from which she stands. Her long hair covers her lower privates.

The clay statuette is now in Fort Santiago in Intramuros. However, a monumental copy made of concrete guards the Calderón Hall (College of Medicine) in the University of the Philippines Manila. I am not familiar of its artist but it has nuances from the original statuette. For one, the countenance is not identical, however all the elements and symbols are present.

Below is a composite of images of the sculpture.

untitled-1

Entry 107

Hiling sa Kalikasan

Ulan, huwag kang tumilà
Lunurin ng iyong mga patak
Ikubli ang bawat pighati
Anurin ang pakiramdam

Hangin, guluhin ang isipan
Tangayin ang mga alaala
Kapwa masakit at maligaya
Ipadpad sa dakong limót

Araw, punitin ang karimlan
Bitbit ang bagong simula
Kasabay ng mga silahis
Upang maparam ang lamig

Alon, hampasin ang pampang
Ibulong ang mga kwento
Mula sa ibang mga lupain
Maging uyayi sa paghimbing

Lupa, ihimpil mga bundok
Pasibulan ang kaparangan
Maging mulàan ng búhay
At kahinatnang himlayan

Entry 106

Rekord

Noong hayskul ako nakapagpakabit kami ng cable TV. Bilang mahilig ako sa telebisyon, ako lagi ang may hawak ng remote control. Paborito kong panoorin ang ANC, BBC World, NHK, DW, AXN. Mas maraming news channels ang pinapanood ko, di ko alam kung bakit. Siguro dahil gusto ko noong maging reporter o news presenter. Gustong-gusto ko talaga ang musika ng BBC World noon (hanggang ngayon) pati ang minimalist design ng grapics nito.

Ang natatandaan ko pa, nirerekord ko ang opening music ng BBC World pati ang ilang awit sa anime. Itinatapat ko sa ispiker ng telebisyon ang aking ang Sanyo microcassette recorder kapag magsisimula na ang palabas. Ang maganda sa mga international channel, on time sila nagsisimula, sakto pati sa segundo.

Nagtitiyaga rin akong manood ng isang Japanese variety show ng mga lalaking idol kahit di ko maintindihan. Kung di ako nagkakamali, Shounen Club iyon. Dito nagsimula ang pagkahilig ko sa mga Japanese idol. May kung ilang dorama na rin ang napanood ko ngayon. Salamat at nauso ang mga fansub.

Ang siste habang nagrerekord ako, biglang may kakatok sa tindahan namin upang bumili. “Tao po!” sabay tuktok ng barya. Lilingunin ko siya nang pataray, “Ano yun?” painis na tanong. Naalaala ko tuloy ang aming lumang tindahan. Madalas nakakalimutan ko kung magkano ang ibang bilihin. Tinatanong ko pa nga yung bumibili kung magkano. Sila pa nga minsan ang nagtuturo kung saan ko kukunin ang binibili. Hindi ko kasi mahanap. O hindi ko kasi gustong hanapin.

Siguro’y nalulugi ang tindahan namin dahil sa kakakuha ko ng Coke sa ref. Kung hindi 500 mL, litro ang tinutungga ko. Masarap kasi ang softdrink. Nakapapawi ng init at lumbay. May kung ilang bote rin akong naiinom sa isang araw. At hindi ko inililista iyon. Bilin pa naman sa akin na ilista ang anumang kukunin sa tindahan.

Kung alam ko lang na sa panahon ngayon mauuso ang internet at mas madaling makakuha ng kopya ng news bed at anime na kanta, hindi na sana ako nagpakahirap magrekord sa telebisyon. Mas malilinaw pang mp3 ang madadownload ngayon.

Nasaan na kaya ang rekorder at mga nirekord ko?

Entry 105

Ilang Talâ sa Virgin Labfest 12

Ito’y maikling talâ sa mga napanood kong dula sa VLF12 na itinanghal sa Tanghalang Hermogenes Ylagan sa CCP mula 29 Hunyo hanggang 17 Hulyo 2016. May tema itong “Binyag”.

[Ang larawan ay mula sa website ng CCP.]

SET A
Dahan-dahan ang Paglubog ng Araw (Soc delos Reyes; Adolf Alix, dir.)
Isa itong personál na salaysay na layong iparamdam ang sakít ng napipintong kamatayan. Tungkol ito sa pagkukubli ng kahinaan (kapwa pisikal at emosyonal) at hindi pagtanggap sa posibilidad ng isang mapait na katotohanan. Naalala ko tuloy ang tila parehong nangyari sa akin at sa aking ama na namayapa na.

Ang Sugilanon ng Kabiguan ni Epefania (May Cardoso, Charles Yee, dir.)
Kapanipaniwala ba ang kuwento ng mga lasing? Isinalaysay nila ang kasaysayan ng isang mahiwagang babaeng si Epefania at ang kabiguan nito sa pag-ibig upang di pamarisan ng kaibigan nilang nabasted. Ibinabahagi nito na hindi lahat ng pag-ibig ay natutugunan ayon sa inaasahan o gustong asahan. Madalas, naisasawalang-bahala pa kahit na ibinigay at ginawa na ang lahat, pati imposible. Ang isa pang siste, malungkot ang epipanya ni Epefania – naliwanagan siya na walang tutugon sa kanyang pag-ibig.

Si Jaya, si Ronda, si Barbra at ang Mahiwagang Kanta (Oggie Arcenas, Roobak Valle, dir.)
Kuwento ito ng tatlong babaeng magkaibigan – asawa ng politiko, OFW sa Qatar, at manghuhula (no, witch pala). Sa loob ng karaoke box, ninanamnam nila ang saglit na kaligayahan ng pagkakaibigan. Sa kanilang usapan, mababanaag na sadyang mailap ang kaligayahan, laging parang may kulang. Ngunit napupunan ang mga pagkukulang sa pagkatao ng mga tunay na kaibigan. Mahusay ang pagkakasulat at nakakagiliw ang usapan ng mga tauhan. ♫ We are family … ♪

SET B
Bahay-bahayan, Tagu-taguan (Herlyn Alegre; Ricardo Magno, dir.)
Isa itong pagsasalokal ng migrant at refugee crisis sa Europa. Itinatanyag nito ang kakayahan ng táong umasa sa kabila ng kalagayang walang pag-asa. Nagbabago ang ugali ng tao ayon sa pangangailangan at sitwasyon – nagiging matigas at manhid upang magpatuloy mabúhay. Isa pa, ang tahanan ay nabubuo kahit saan, kahit walang bahay. Subalit kung nawala naman ang kasalo mo sa pagbuo ng tahanan, maging ang pagkakaroon ng bahay ay wala nang saysay.

Ang Bata sa Drum (Dominique La Victoria; Dudz Terana, dir.)
Kuwento ito ng magkapatid at ng napipínto nilang paghihiwalay. Simple ang istorya ngunit sasampalin ka, saka ka paiiyakin. Ang magkapatid ay biktima ng isang sirang pamilya. Para sa isang bata, ang paghihiwalay ay katumbas ng pagbabagong walang katiyakan. Gaano man planuhin at paghandaan, masakit ang paghihiwalay.

Loyalist (Kanakan-Balintagos; Lawrence Fajardo, dir.)
Isa itong komedyang nagpapaalala sa nakakalimot at nagsasalaysay sa walang alam. Ang ina ay loyalista ni Marcos, samantalang ang anak ay aktibista (at artist). Binubulay ng dalawa ang kalagayan nila at ng bansa sa panahon ni Cory at ang bagong namamayagpag na zeitgeist. Matalinghaga ang dulang ito. Ang ina pa rin ang tagapaglinis ng kalat ng anak at tagabigay ng allowance. Gayon din kaya na maraming nanatiling loyalista sa pamahalaang pumalit? At sila pa rin ang gumabay sa magulong kalagayan ng sumunod na administrayon. Ang magulo nilang búhay ay larawan ng magulong bansa.

13599928_10154260567197910_7297094718482494337_n

Nanatili siyang loyalista (Irma Adlawan) sa kabila ng pagbabago ng administrasyon, samantalang ang kanyang anak ay tinuligsa ang nakaraang rehimen. [Ginamit ang larawan sa pahintulot ni Vlademeir Gonzales.]

SET C
Ang mga Bisita ni Jean (Ma. Cecilia de la Rosa; Ariel Yonzon, dir.)
Salaysay ito ng búhay ng isang namundok ngunit nagbalik-loob. Gusto nitong magpakita ng ilang posibleng tugon sa maraming tanong na “paano kung” at “bakit ganito”. Repleksiyon ito ng struggle ng mga burgis na sumáma sa pakikibaka dahil sa ideolohiya – may nagpatuloy, may tumigil, may namatay. Tinatanong nito kung totoo bang nawawala ang pag-ibig (sa tao man o sa paniniwala) upang sundin ang personal o ibang kaligayahan. Ano pa nga ba ang magagawa ng alaala, kundi isang daláhin na dapat gunitain at iyakan?

Bait (Guelan Luarca; Mara Marasigan, dir.)
Kuwentong nagtuturo ng pagpapatawad at nagtatanong kung kailan tayo matututo. Sa usapin ng relihiyon at paniniwala, laging may magsasabing “Kami ang tama”. Kaya nahihirapan tayong magpatawad ay dahil may kailangang manaig na tama. May kanya-kanya katwiran ang tao at mula rin dito ang pagiging makasarili o pag-iisip na pansarili. Laging nananaig sa tao ang “kanyang” karapatan. Sa pagkawala ng bait, nagpapatuloy ang pagkamuhi, at vice versa.

Mula sa Kulimliman (Carlo Vergara; Hazel Gutierrez, dir.)
Kuwentong hitik sa panlipunang katatawanan. Ang sakripisyo ay may kahalong pag-ibig, matututunan mo iyan sa dulang ito. Masayang sundan ang bawat tauhan dahil sa kanilang kakaibang kalagayan – inang umaasa ng magandang buhay, anak na may investment na komiks, at amang walang trabaho ngunit isang tagapagligtas. Tiyak na mapapapalakpak ka sa bawat rebelasyon! Maigi na nilahukan ito ng pantasya, alamat, at mitolohiyang Filipino.

SET D
Marte (Eliza Victoria; George de Jesus, dir.)
Kuwento ito ng mga manggagawang nagtatrabaho sa human settlement sa Marte (Mars). Ang kalagayan sa Marte ay pareho din sa Mundo (Earth) – maliit na pasahod, sobrang pagtatrabaho, walang benepisyo, at iba pa. Sinasabi lámang nito na pareho ang pahirap sa mga manggagawa saan mang lugar sila, sa anumang panahon (nakaraan at hinaharap). Nangyayari ito hanggang may mapagsamantala at may mapagsasamantalahan.

Daddy’s Girl (Ricardo Novenario; Nicolas Pichay, dir.)
Pinagbubulayan ng dulang ito ang konsepto ng pagkakaroon ng soul mate. Kahit magpaulit-ulit ang búhay ng tao, si B ang katambal ni A dahil sila ang para sa isa’t isa. Paano kung ang magka-soul mate ay ang ama at anak nito? Bakás ang insésto sa kuwento. Tila nakalimutan na may iba pang lébel ng pag-ibig o pagmamahal. Hindi lahat ay erotika.

Hapagkainan (Rick Patriarca; Chris Martinez, dir.)
Paano mapapanatiling masaya at punô ng respeto ang isang pamilya? Ito ang pilit ginagawa ng pamilya sa dula. Ang siste, sa ilalim ng kanilang pagbabalátkayô, matagal nang nabubulok ang pagtingin ng ama, ina, at mga anak sa isa’t isa. Isa itong matalinong sátirá sa pagkasira ng pamilya at ng lipunan kalaunan. Tigib din ng maraming usaping panlipunan ang dula gaya ng krimen, harassment, PMS, aborsiyon, LGBT, droga, relihiyon, diborsiyo, at iba pa. Ang kabi-kabilang murahán at pagsisiwalat ng kasiraan ay nakapagpagiliw sa manonood, kabilang ako. Marahil ganito ang marami sa atin: ipinapakita ang magagnda ngunit itinatago ang nabubulok na kalooban.

13566959_10154265942687910_4672948021162298731_n

Ang butihing ina (Adriana Agcaoili) na naghanda ng hapunan sa hapagkainan, at ang isa sa kanyang dalawang anak (Mikoy Morales). [Ginamit ang larawan sa pahintulot ni Vladimeir Gonzales.]