Entry 110

Bagong Taon

Naaalala ko noong bata pa ako, siguro nasa elementarya o hayskul, nagdiriwang ang lahat noong bisperas ng bagong taon. Nakaupo ako sa aming tindahan habang pinagmamasdan ang bakuran, na tanaw ang mga kapitbahay hanggang sa di-kalayuang kalye. Maingay ang paligid dahil nagpapaputok sila ilang oras bago pa magpalit ang taon sa hatinggabi.

Naroroon ako, walang imik na pinagmamasdan ang lahat. Naisip ko na noon na mabubuhay akong malungkot pagtanda. Hindi ko magawang makipagsaya kasama ng iba dahil para sa akin, parehong araw at gabi pa rin naman. Walang magbabago, gayon pa rin ang sikat ng araw at tanglaw ng buwan. Pareho pa rin naman ang pagkilos at paggawa ko o ng kalaro o ng kaklase o ng kapitbahay. Hindi ko maintindihan bakit gayon na lámang ang galak ng iba sa pagpapalit ng taon.

Petsa lang naman ang nag-iiba. Ang lahat ay pareho pa rin, simula noong unang panahon hanggang sa hinaharap. Siguro sa murang edad ko noon ay batid ko na na konsepto lámang ang oras at mga panahon. Ang daloy nito ay tuloy-tuloy at walang patlang, walang tigil. Tayo ang gumagawa ng mga bilang upang paghiwa-hiwalayin ang taon, buwan, linggo, oras, minuto, at segundo.

Para sa kalikasan, ang naturalesa, isang mahabang linya ang lahat, maaaring may simula, maaaring wala. Sa tao, tiyak na may simula at wakas. Gayundin ang sari-saring pakiramdam: ligaya, lungkot, dalamhati, pagkagiliw, pagkainis, galit, poot, maging pagwawalng-bahala. May simula at wakas ang mga ito.

Kaya ngayon, hayaan ninyong maramdaman kong muli ang lungkot tuwing bisperas ng bagong taon. Ito ang isang alaalang nais kong balikan at maramdaman tuwing ganitong panahon. Sa ganito bumabalik ako sa eksena ng isang bata na nakaupo sa sahig sa kanilang tindahan habang pinagmamasdan ang maingay na gabi sa labas.

Totoo ang naisip ko noon.

Masaya ako sa bawat kong kalungkutan.

Entry 109

Diyaryo

Sumasadya ako noon sa bayan upang bumili ng diyaryo pagkatapos ng klase sa hayskul. Siguro 30 minutong biyahe rin iyon sa jeep mula sa paaralan (at hindi mabigat ang trapiko). Lalakarin ko ang kahabaan ng Valencia Street papuntang palengke hanggang sa newspaper stand. Iilan lang naman ang mabibilhan ng diyaryo doon sa pagkakatanda ko.

Natatandaan kong namilì ako ng bibilhing unang diyaryo. Siyempre ayoko ng tabloid kayâ broadsheet ang kinuha ko kahit medyo mahal sa halagang 10 hanggang 12 piso. Hindi ko alam kung bakit, ngunit Inquirer ang nakakuha ng aking pansin. Kompara sa Star at Bulletin na may kulay, nanatiling black and white ang Inquirer. Mayroon lámang itong asul na masthead at grayscale na larawan. Dahil kakaiba siya, iyon na ang aking binili.

Kaya naman ako bumibili ng diyaryo noon ay dahil kailangan daw naming maging maalam sa current events, ayon kay Sir Guanzon, guro namin sa araling panlipunan. At kayâ naman tuwing hápon ako bumibili ay dahil sa hápon lang ang biyahe ng eroplano galing Maynila. Kaya pasong-pasô na ang balita sa telebisyon at radyo, saka pa lang babasahin sa diyaryo. Ganoon talaga noon sa Puerto Princesa. Paano na lang kaya sa ibang bayan sa Palawan? Nakapagbabasa pa kasya sila ng diyaryo nang hindi pa luma ang laman?

Kalaunan, lumipat din ako sa Star dahil sila ang ka-tie up sila ng ABS-CBN noong eleksiyon. Ang Inquirer naman ay sa GMA. At dahil loyal ako sa ABS-CBN, kailangang kong baguhin ang preperensiya ko.

Nakatambak lang sa bodega noon ang mga diyaryo. Sa totoo, hindi ko naman binabasa ito nang husto. Binibili ko lang sila. Siguro para may talaan ako ng kasaysayan. Hindi ko na rin alam ang kinahinantnan nila noong lumipat ako sa Baguio para magkolehiyo. Malamang tinapon silang lahat, parang paglimot ng mga tao ngayon sa kasaysayan ng ating bansa.

Sa ngayon, bumibili lamang ako ng diyaryo kung may isang napakahalagang pangyayari na gusto kong maipreserba sa pamamagitan ng inilimbag na papel. Paminsan binabasa ko, paminsan hindi na rin – may internet na rin kasi at mobile phone. Siyanga pala, bumalik na ako sa Inquirer.

Entry 106

Rekord

Noong hayskul ako nakapagpakabit kami ng cable TV. Bilang mahilig ako sa telebisyon, ako lagi ang may hawak ng remote control. Paborito kong panoorin ang ANC, BBC World, NHK, DW, AXN. Mas maraming news channels ang pinapanood ko, di ko alam kung bakit. Siguro dahil gusto ko noong maging reporter o news presenter. Gustong-gusto ko talaga ang musika ng BBC World noon (hanggang ngayon) pati ang minimalist design ng grapics nito.

Ang natatandaan ko pa, nirerekord ko ang opening music ng BBC World pati ang ilang awit sa anime. Itinatapat ko sa ispiker ng telebisyon ang aking ang Sanyo microcassette recorder kapag magsisimula na ang palabas. Ang maganda sa mga international channel, on time sila nagsisimula, sakto pati sa segundo.

Nagtitiyaga rin akong manood ng isang Japanese variety show ng mga lalaking idol kahit di ko maintindihan. Kung di ako nagkakamali, Shounen Club iyon. Dito nagsimula ang pagkahilig ko sa mga Japanese idol. May kung ilang dorama na rin ang napanood ko ngayon. Salamat at nauso ang mga fansub.

Ang siste habang nagrerekord ako, biglang may kakatok sa tindahan namin upang bumili. “Tao po!” sabay tuktok ng barya. Lilingunin ko siya nang pataray, “Ano yun?” painis na tanong. Naalaala ko tuloy ang aming lumang tindahan. Madalas nakakalimutan ko kung magkano ang ibang bilihin. Tinatanong ko pa nga yung bumibili kung magkano. Sila pa nga minsan ang nagtuturo kung saan ko kukunin ang binibili. Hindi ko kasi mahanap. O hindi ko kasi gustong hanapin.

Siguro’y nalulugi ang tindahan namin dahil sa kakakuha ko ng Coke sa ref. Kung hindi 500 mL, litro ang tinutungga ko. Masarap kasi ang softdrink. Nakapapawi ng init at lumbay. May kung ilang bote rin akong naiinom sa isang araw. At hindi ko inililista iyon. Bilin pa naman sa akin na ilista ang anumang kukunin sa tindahan.

Kung alam ko lang na sa panahon ngayon mauuso ang internet at mas madaling makakuha ng kopya ng news bed at anime na kanta, hindi na sana ako nagpakahirap magrekord sa telebisyon. Mas malilinaw pang mp3 ang madadownload ngayon.

Nasaan na kaya ang rekorder at mga nirekord ko?