Entry 131

Ilang Pagmumunì sa Dokumentaryong The Kingmaker

Kinailangan pa natin ng isang banyaga upang ipaalaala sa atin ang kalabisan at kabuktutan ng pamilya Marcos.

Gamit ang “pangkayó” at “pansiláng pananaw”, inilahad ni Lauren Greenfield ang isang interesanteng kasaysayan ng pamilya na pinalayas at tinanggap muli kalaunan sa bansa. Ngayon, nagtatagumpay muli ang pamilya Marcos, kahit paunti-unti, na maangkin ang Malacañang.

Isang ironiya ang sirkunstansiya ng pagpapalabas ng dokumentaryo sa Sentrong Pangkultura ng Filipinas. Dalawang linggo bago ang palabas, pinangaralan pa si Imelda ng pamunuan ng Sentrong Pangkultura dahil sa pagkakatátag nito 50 taon ang nakararaan. At heto ngayon na inuusig siya ng mga tunay na artista ng bayan sa pagpapalabas ng dokumentaryo sa edipisyong siya ang nagpatayô.

Si Imelda ang kingmaker. Siya ang nása likod ng lahat. Mula pagtakbong muli ng kaniyang mga anak sa pambansang posisiyon hanggang sa pagluluklok kay Rodrigo Duterte. Ngunit hindi lahat ay umayon sa kaniyang engrandeng plano. Natalo ng isang Leni Robredo ang kaniyang anak na si Bongbong, ang Ferdinand na Ikalawa.

Sa dokumentaryong ito, kapuwa iibigin at kamumuhian si Imelda. Mayroon siyang halína at bangis bílang politiko. Humina lámang ang kaniyang katawan gawa ng katandaan ngunit matalas pa rin ang kaniyang isip. Ang kaniyang katusúhan. Ang kaniyang kasinungalingan.

Nabubúhay si Imelda sa isang mundo ng pantasya. Na siya ang ina ng bansa at sana’y ina rin ng mundo. Na siya ang engkarnasyon ng Kagandahan. Na siya ang bituing tinitingala ng mga táong nabubúhay sa dilim. Lumikha siya ng mga mito na nagsasalaysay na itinadhana siya at ang pamilya Marcos sa kadakilaan.

Sa kaniyang kakaibang paniniwala, maaaring ituring na pilosopo si Imelda. Dangan ay malilito rin ang kaniyang mga tagasunod sa kabuoang absurdong pilosopiya na kaniyang sinusunod.

Marahil masayá ang puso ni Imelda tuwing namumudmod siya ng tig-iisanlibo (at tigbebente) sa mga batang may kanser, táong-lasangan, at sa kung sino sa maraming okasyon. Para siyang idolo na pinipilahan o inaabót ng mga unat na kamay ng mahihirap na deboto. Sa ganito niya pinalalakas ang kaniyang kapangyarihan – sa paghigop sa kahinaan na mga hikahos.

Naging neutro at obhetibo ang filmmaker sa kaniyang paglalahad. Hitik ang dokumentaryo ng interbiyu kay Imelda, gayundin ng testimonya ng mga biktima ng Batas Militar, mga katutubo sa Calauit, at ilang personalidad na malapít sa kapangyarihan. Ang mga tagapanoód ay malayang tumimbang ng mga paháyag. Ngunit si Imelda rin ang sumisira ng kaniyang testimonya. Madalas siyang madulas. Tungkol sa bintang sa kaniya ng pagpapapatay kay Benigno Aquino Jnr: “I had nothing against [Ninoy], except that he talked too much anyway.”

Continue reading