Entry 130

Barko

Naalaala ko noong magtapós ako ng hay-iskul. Sakay ako ng barko kasáma ang aking ina dahil papunta kami ng Luzon upang doon magkolehiyo. Buong búhay ko noon ay sa Palawan ako naglagî, bagaman nakapagbabakasyon ako sa Maynila paminsan.

Mayo yata noon. Masyadong mahal noon ang sumakay sa eroplano kaya karamihan ng lumuluwas ay barko ang sinasakyan. Naroroon din pala ang ilang kaklase ko, papunta rin ng Maynila. Walang bakas sa amin ng pamamaalam dahil para sa amin, sa wari ko, ay babalik pa rin naman kami sa Palawan matapos ang pag-aaral sa kung saang unibersidad kami mapadpad. Gayon ang nasa isip ko. O mas támang sabihin na hindi sumagi sa isip ko ang komplikadong bagay ng paglisan. Luluwas ako para mag-aral at babalik pagkatapos. Gayon kapayak ang búhay.

Medyo espesyal ang barkong iyon. Mayroong deck na puwedeng pagtipunan ng mga pasahero habang hinahampas ng hangin ng karagatan ang aming mga katawan at bumabakat sa aming hubog ang mga damit. Mayroon ding bar na nagtitinda ng inumin at burger. Sa loob ng isang araw na biyahe, malaking bagay ang may ganitong lugar na puwedeng mapaghalubiluhan ng mga táong sabik nang makalapag sa piyer.

Minsan nakita ko ang kaklase kong si Ramon. “Bilhan mo rin siya ng burger,” sabi ng nanay ko.

“Huwag na. Mayaman ‘yan sila,” sagot ko. Hindi ko na matandaan kung kinuha ba niya o magalang na tinanggihan ang aking inalok. Isa siya sa itinuturing na laging kulelat noon sa eskuwela, pero alam kong mabait siya. Siguro’y dahil sa mataas na estado ng kanyang búhay, malaya niyang nagagawa ang kanyang gusto at wala siyang inaalalang grado na kailangang pag-igihan. Balita ko’y naging flight steward siya, at ngayo’y negosyante at potograpo.

Madaling araw nang nag-stopover ang barko sa Coron upang magbaba ng ilang pasahero. Dala ng kuryosidad, bumabâ ko saglit upang tingnan ang lugar. Ang tanging natatandaan ko lang ay iba ang itsura ng tricycle sa kanila kompara sa amin sa Puerto Princesa. Sa Coron, maaari pang magsakay ng ilan sa likuran ng sidecar. Saka ako bumalik. At binunô ko ang kawalang-katiyakan buong umaga hanggang hápon nang kami’y makadaóng.

Hindi ko na matandaan kung sino-sino kaming nasa barkong iyon. Lahat kami ay nagsapalaran, naghanap ng ibang kalalagyan sa búhay. Nag-aral ng ibang kaalaman. Iniwan ang pagkabata sa kinalakhang lalawigang isla na mahirap alpasan. Ang barkong iyon ang naghatid sa akin papaalis sa kawalang-muáng at patungo sa sari-saring pagsuong, pagkatatuto, at pagkabigo.

Pagdatíng ng Maynila, tumuloy kami sa bus pa-Baguio. Walong oras na biyahe. Ito ang unang pagkakataong iiwan ko ang aking kinalakhang pook, maging independiyente, at malayô sa mga magulang.

Mahirap maging adulto. Napaiisip ka ng mga dáting bagay.