Para sa Aking Ina
Laging kapiling ka saan man magpunta
Pagkat sa puso nanatiling kasama
Hindi malilimot panahon ng galak
Ni ang di unawaang kinasasadlak
Namamalas ko ang iyong pagsisikap
Batid rin ang mga dinaanang hirap
Sa lahat nito nanatiling matatag
Kahit saloobi’y nais nang kumalag
Tatayo ba ako kung di sa ‘yong tulong
O kung pangaral ay hindi isinulong
Alay mong pag-ibig katumbas ay buhay
Kalingang iginawad hindi humumpay
Walang maipapalit kundi salita
Na mula sa pusong tigib ng pagsinta
Di ko man maibalik ‘yong pag-aruga
Dinggin man lamang anak na dumidiga
Kay sarap manatili sa iyong piling
Maaari pang matulog nang mahimbing
Pagkat pag-asa ko’y hindi iiwanan
Dito sa dilim hanggang kaliwanagan
Minsan nang naging dahil ng iyong luha
Ang ilang wika kong naging mapanghusga
Sa kabila noo’y hiling kong taimtim
Wakasan, iwasto iyong suliranin
Dadalhin sa hukay mga alaala
Nang sa ‘king puntod ay mawari ng madla
Na sa tulad ko’y may nagmahal na isa
Pinilit tanggapin akong naiiba
Hindi ka man naging masunuring anak
At maraming mali bilang ‘sang kabiyak
Ngunit isang bagay ang di mapupula
Ika’y nagpilit maging mabuting ina
2011.09.17 | 2011.09.19 rev
So far most of the thought that I write are poems in English and Filipino. And I never intended this blog to be just like that. But right now I am fascinated by my elementary poem-writing faculties, so I capitalize on that spirit and willingness to find words to my thoughts with some flair of rhymes.
And since it is my mum’s birthday on 18 September, I extracted those lurking thoughts out to produce a poem for her. I hope my mum likes this.
Anak, napakapalad mo.
… parang may konting bitterness, hehe (di ko alam, I just felt it while reading your poem). Bakit kaya ang hirap sabihin “Mahal kita ‘Nay”.
Talagang mahirap sabihin yuin. Di ko alam kung bakit. Kaya dinaan ko nalang sa ganito without actually saying it. Mas inartehan ko lang kasi mahirap sabihin. ^^