Ilang Pagmumuni sa Mabining Mandirigma
Pinanood ko ang ikalawang run ng musikal na Mabining Mandirigma ng Tanghalang Pilipino nitong taon. Una ko itong napanood noong 2015. Pagkatapos ng palabas, gaya ng ginagawa ko, pinagmuni-munian ko ito at nakarating sa ilang pagkatanto.
Ang ating politika ngayon ay halos walang pinagkaiba sa kalagayan nito noong nakalipas na dantaon.
Ang himagsikang sinimulan ni Andres Bonifacio ay paglaban ng mamamayan sa mga dayuhan. Ngunit unti-unting pinasok ito ng mga táong may bahid ng ibang interes bukod sa pag-ibig sa bayan.
Nang namahala na si Emilio Aguinaldo, nanulsol at pumaligid sa kanya ang mga ilustrado (mga arál)—silang mga politiko, pensador, abogado, at negosyante. Sila ang bumuo sa mayorya ng mga kinatawan sa Kongreso ng Malolos noong 1899 na sumulat ng unang konstitusyon. Sila ang nagpautang sa rebolusyonaryong pamahalaan upang kalaunan ay kumita nang malaki.
Ilan sa kanila, ayon sa musikal, ay sina Pedro Paterno, Felipe Buencamino, Benito Legarda, Felipe Calderon, at Gregorio Araneta. Sila rin ang nag-iwan sa humihinang rebolusyonaryong pamahalaan upang kumíling sa maginhawang pamamalakad ng mga Americano. Ang mga ilustradong ito ay taksil at salat sa prinsipyo. Si Aguinaldo rin, matapos mahúli sa Isabela, ay dagling sumumpa ng katapatan sa America.
Maaaring sabihing may iba’t ibang paraan ng pag-ibig sa bayan. Maaaring sabihing pinili lámang nila ang mas makabubuti sa bansa noon. O di kaya’y mas makatwirang isiping gumagawa sila para sa sariling kapanginabangan. Ang kasaysayan ngayon ay lumilingon sa kanila bilang mga sukáb.
Hatî ang mamamayan noon pa man: ang tila-mangmang na mga taong-bayan at marurunong na ilustrado. Ang mga ilustrado pa rin ang nagharing uri sa huli samantalang nawalan ng tinig ang taong-bayan. Lagi at laging gagamitin ng mga marurunong ang taong-bayan—tulad pa rin ngayon.
Si Apolinario Mabini ay nagbitiw sa pamahalaan ni Aguinaldo dahil alam niyang hindi na pinakikinggan ang kanyang mga mungkahi. Sa ibang pananalita naikinig si Aguinaldo, marahil upang pagbigyan ang interes ng iba. Si Mabini, bagaman isang ilustrado, ay hindi nakiayon sa kanila. At dahil dito, itinatanyag siya ngayon ng ating kasaysayan.
Ang kultura ng nepotismo at pagkakampi-kampi ay hayag na noon sa ating mga pinuno. Hanggang ngayon, laganap ito sa pamahalaan—mga kroni ni Ferdinand Marcos, paksiyon sa pamahalaan ni Noynoy Aquino, at iba pa.